Alam mo ba kung ano ang pinagkukunan ng mga balita noong panahong hindi pa uso ang telebisyon, radyo at internet? Ito ay ang pahayagan. Ngayon, atin itong bibigyan ng kahulugan. Atin ding aalamin ang dalawang uri nito at ang ilan sa mga bahagi ng dyaryo.
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Pahayagan?
Ang pahayagan ay isang uri ng paglilimbag. Ito ay naglalaman ng mga balita o tala tungkol sa mga kaganapan na nangyayari sa lipunan. Nagbibigay din ito ng mga impormasyon tulad ng mga patalastas. Ito ay karaniwang iniimprinta araw-araw at ipinagbebenta sa murang halaga. Ito rin ay maaring pangkalahatan o may pokus na interes. Ang iba pang terminolohiya para sa salitang ito ay dyaryo at peryodiko.
Dalawang Uri ng Pahayagan
Broadsheet. Ang broadsheet ay pormal na uri ng pahayagan, karaniwang nakaimprinta sa malaking papel at nakasulat sa Ingles na wika. Malawak ang nasasaklaw ng sirkulasyon nito. Bukod sa mga balita sa loob ng bansa, naglalaman din ang broadsheet ng mga internasyonal na mga kaganapan. Ang target reader nito ay ang mga taong may mga kaya sa buhay.
Tabloid. Ito naman ay maituturing na impormal na uri ng pahayagan. Ito ay mas maliit at mas maunti ang nilalaman kumpara sa broadsheet. Ang pangunahing wika na ginagamit sa Tabloid ng Pilipinas ay Tagalog. Sa dyaryong ito, maari kang makabasa ng mga salitang balbal.
Ano ang mga Bahagi ng Pahayagan?
Ang mga sumusunod ay ang mga bahagi ng pahayagan o dyaryo:
Mukha ng Pahayagan – Ito ang pinakaunang pahina ng pahayagan. Naglalaman ito ng pangalan ng pahayagan at headline ng mga balita. Makikita mo rin sa pahinang ito ang petsa kung kailan nailimbag ang dyaryo.
Balitang pandaigdig – Mababasa naman sa bahaging ito ang mga kaganapan sa iba’t-ibang parte ng daigdig. Naglalaman din ito ng mga balita na may kaugnayan sa labas ng ating planeta.
Balitang Panlalawigan – Nakapaloob naman sa bahaging ito ang mga kaganapan sa iba’t-ibang lalawigan ng bansa.
Editoryal o Pangulong Tudling – Ang pahinang ito ay naglalaman ng matalinong kuro-kuro ng patnugot o mamamahayag tungkol sa isang napapahong isyu o paksa.
Balitang Komersyo – Ang bahaging ito ng pahayagan ay naglalaman ng mga ulat na may kaugnayan sa industriya, kalakalan, at komersyo. Mababasa din dito ang kasalukuyang estado ng palitan ng piso kontra sa pera ng ibang bansa.
Anunsyo Klasipikado – Ang pahinang ito ay nakalaan para sa mga taong naghahanap ng trabaho na pwedeng pag-aplayan. Dito rin mababasa ang mga patalastas tungkol sa mga bagay na ipinagbebenta o pinapaupahan tulad ng kotse, bahay at iba pang ari-arian.
Obitwaryo – Ito ay parte ng pahayagan na naglalaman ng mga anunsyo tungkol sa mga taong pumanaw na. Mababasa sa bahaging ito ang impormasyon ng mga namayapang tao, kung saan ito nakaburol, kailan at kung saan ito ililibing.
Libangan – Ang pahinang ito ay naglalaman ng mga balita na naghahatid ng aliw sa mga mambabasa. Mababasa dito ang mga balita tungkol sa mga kaganapan sa showbiz, mga tampok na palabas sa pelikula at telebisyon, at iba pang maiuugnay sa sining. Naglalaman din ito ng mga laro na nakakakuha ng interes ng mga mambabasa, tulad ng sudoku at crossword puzzle. Dito rin matatagpuan ang komiks at horoscope.
Lifestyle – Mababasa sa bahaging ito ang mga artikulong may kaugnayan sa pamumuhay. Tulad ng tahanan, pagkain, paghahalaman, paglalakbay at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan.
Isport o Palakasan – Sa bahaging ito mababasa ang iskedyul ng mga laro. Mababasa din sa bahaging ito ang mga kaganapan at balita tungkol sa iba’t-ibang isport sa loob at labas ng bansa.